top of page

Ano ang Hangganan ng Kapatawaran ng Diyos?



Ginagamit ko ang Google maps tuwing nagdadrive ako rito sa Sydney. Masasabi ko na hindi ako makakapunta kahit saan kung walang GPS. Hindi kasi ako madalas mag-drive. Mas convenient mag-train noong pumupunta pa ako sa office, at hindi pa ako bumabalik doon simula nang magka-Covid-19.


Ganito ang nangyayari kapag nagkakamali ako sa pagsunod sa GPS.


GPS: In 30 meters, turn right.


Nalampasan ko ang kanto.


GPS: Rerouting… in 200 meters, turn right.


Nalampasan ko ulit yung likuan.


GPS: Rerouting…


Madalas akong nagkakamali sa pagsunod ng mapa, minsan naman hindi ko talaga sinusunod dahil sa tingin ko, mas alam ko na ang daan. Madalas ko mang hindi masunod ang turo ng GPS, hindi ko pa ito narinig na nagalit sa akin. Patuloy lang itong na nagrerekomenda ng mas madaling daan. Isipin mo kung ganito ang nangyari.


GPS: In 30 meters, turn right.


Nalampasan ko ang kanto.


GPS: Tanga ka ba? Rerouting…


GPS: In 200 meters, turn right.


Nalampasan ko ulit yung likuan.


GPS: Wala kang utak!!! Rerouting…


Hindi ko na naman nasunod.


GPS: Bahala ka sa buhay mo! Bobo!


Nakakatawa kung ganoon ang mangyayari kapag hindi ko sinunod ang GPS. Malamang na naligaw na ako.


Parang GPS din ang ating Diyos. Hindi Siya nagagalit sa atin kapag nagkakamali tayo. Pinapatawad Niya tayo kapag hindi natin Siya sinusunod.Pero, may hangganan ba ang kapatawaran ng Diyos?


Panaghoy 3:22-24


22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.

23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.

24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.


Sabi sa Biblia, ang kahabagan ng Diyos bago tuwing umaga. Ibig sabihin nito, walang hanggan ang kapatawaran ng Panginoon. Kaya naman nararapat na lalo tayong lumapit sa Diyos dahil minamahal Niya tayo ng walang kondisyon. Huwag nating abusuhin ang grasya ng Diyos bagkus gamitin natin ito upang palalimin ang relasyon natin sa ating Panginoon.


Dapat din nating tandaan na kailangan din nating magpatawad. Tayo ay pinapatawad ng Diyos tuwing tayo’y nagkakamali, kaya naman dapat matuto tayo na magpatawad ng ating kapwa na nakagawa ng kamalian sa atin.


Marcos 11:25-26


25 Kapag kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.


Makikita natin sa verses sa itaas na kailangan nating magpatawad upang tayo’y patawarin. Isipin natin na ang pagpapatawad ay para sa ikakabubuti ng ating puso at kaluluwa. Mas magiging mabuti ang ating buhay kung matututo tayong magpatawad ng ating kapwa. Pero, ilang beses ba tayo dapat magpatawad?


Mateo 18:21-22


21 Noon ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.


Dapat nating patawarin ang lahat ng taong nanakit sa atin. Muli, ito ay para sa ikasasagana ng ating puso at kaluluwa. Isipin natin ang pagmamahal ni Jesus para sa atin upang makaya nating magpatawad ng lubos.


Pinapaalala ko rin na may mga taong tuso na handang magsamantala sa ating kabutihan. Kaya naman sinabi rin ng Panginoon na maging matalino tayo sa ating pagdedesisyon.


Mateo 10:16


16 “Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati.

In Summary

Walang hanggan ang pagpapatawad ng Diyos sa atin pero hindi ito dapat abusuhin kundi dapat gamiting inspirasyon upang lumalim ang ating relasyon sa ating Panginoon.

Kung nais nating patawarin tayo ng Diyos, dapat din tayong magpatawad ng ating kapwa. Gamitin natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu at pagmamahal ni Jesus para makaya natin ito.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.




Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page