
Ano ba ang restoration?
Ito ang sabi sa Merriam-Webster dictionary:
An act of restoring or the condition of being restored, such a bringing back to a former position or condition.
Ang pagkakaintindi ko sa salitang restoration ay ang paraan ng pagsasaayos ng isang bagay o sitwasyon. Ang isang bagay o sitwasyon na dumaan sa proseso ng restoration ay nagiging bago at maayos.
Natutuwa ako sa mga TV shows patungkol sa restoration gaya ng Kings of Restoration. Mapapanood natin sa programang ito kung paano isaayos o i-restore ng mga bida ang mga gamit na dinadala ng kanilang mga customers.
Ang mga luma at sira-sirang mga gamit gaya ng kotse, motor, lamesa at kung anu-ano pa, ay parang mga bago matapos ayusin ng mga Kings of Restoration. Puwede kong sabihin na mas maganda pa ito kaysa noong una itong binili ng mga may-ari.
Ang ating Panginoon ay masasabi nating God of restoration. Ibig sabihin nito, siguradong kayang ibalik ng Panginoon kung ano man ang nawala sa ating buhay. Kapag tayo ay dumaan sa Godly restoration, siguradong magiging mas maayos ang ating buhay.
Si Job ay isa sa mga nakaranas ng Godly restoration:
Job 42:10
10 Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.
Sino si Job?
Job 1:1-4
1 May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain.
2 Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3 Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan.
Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno.
Si Job ay isang mabuting tao na pinagpala ng Diyos ng kayamanan at magandang buhay. Si Job ay namumuhay ng payapa at masagana kasama ng kanyang pamilya at mga tauhan.
Isang araw, pinuri ng Diyos si Job sa harapan ni Satanas. Marahil nainggit ang diablo kay Job dahil sa papuring ito. Kaya naman humingi ang diablo ng permiso na bigyan matinding pagsubok si Job.
Job 1:13
13 Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki.
14 Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15 nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
16 Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”
17 Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
18 Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19 hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”
20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos.
21 Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
22 Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.
Kahit na naubos ang kabuhayan at namatay ang mga anak ni Job, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Patuloy na naniwala sa Diyos si Job at di nagtagal, naranasan niya ang Godly restoration. Ibinalik ng Diyos kay Job ang lahat ng nawala sa kanya ng doble.
Paano Tayo sa New Normal?
Roma 8:28
28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Napakahirap ng new normal. Nakakatakot magkasakit at makahawa ng kapwa. Hindi natin alam kung maibabalik ba natin ang dati na makakalabas at makikihalubilo tayo ng walang takot.
Pero kailangan nating paniwalaan na mas makapangyarihan Panginoon kaysa anumang sitwasyon. Maari pa ring maging mas maganda ang ating kinabukasan kahit na may dinadaanan tayong paghihirap.
Ano ba ang Gusto ng Diyos para sa Atin?
Tandaan natin na maganda ang plano ng Diyos para sa atin. Gusto Niya na maging maayos tayo sa lahat ng aspeto ng buhay gaya ng mental, pisikal, ispiritual, sosyal at emosyonal. Kailangan lang natin na magtiwala.
Lumapit tayo sa Diyos sa mga panahon ng paghihirap at huwag natin siyang kalimutan sa panahon ng kasaganahan.
Deuteronomio 30:2-3
2 Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon, 3 kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan.
Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain.
Ipagdasal natin na matupad ang mga plano ng Diyos sa ating buhay. Ipagdasal natin ang ating bayan at ang ating mga mahal sa buhay. Tandaan na pinagpala si Job matapos niyang ipanalangin ang kanyang mga kaibigan.
Paano Kung Minamalas sa Buhay?
Huwag nating kalimutan na ang Diyos ay may kapangyarihan na magbago ng buhay. Kahit sino ay maaring makaranas ng Godly restoration.
Roma 5:8
8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
Hindi nakasalalay sa ating kakayahan, kabutihan o estado ng buhay ang Godly restoration. Regalo ito ng Diyos mula sa sakripisyo ni Jesus sa kalbaryo. Kailangan lang natin lumapit at manampalataya kay Jesus.
Paano kung Nahihirapan akong Maniwala?
Roma 10:17
17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang naririnig ay sa pamamagitan ng pangangaral ng salita ni Cristo.
Mahirap magtiwala sa Diyos dahil kadalasan, hindi natin alam kung ano ang kanyang layunin para sa atin. Kailangan natin ng panahon para makita kung bakit hinayaan ng Diyos na maranasan natin ang mga pagsubok.
Pero patuloy lang tayo. Kahit mahirap maniwala, pilitin nating manalig sa Diyos. Tandaan na hindi tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kakayanin. Isipin natin na mahal tayo ng Diyos kahit na humaharap tayo sa mga pagsubok. Isipin natin na ang ating paghihirap ay magdudulot ng kabutihan sa bandang huli. Di magtatagal, lalago tayo sa ating pananampalataya at mauunawaan natin ang kagandahan ng plano ng Diyos.
In Summary
Nais ng Diyos na maranasan natin ang Godly restoration.
Kailangan nating lumapit at manalig sa Diyos para maranasan natin ito.
Haharap tayo sa mga pagsubok at kadalasan kailangan nating magtiis ng matagal. Kailangan nating kumapit kay Jesus sa mga panahong ito.
Lilipas ang pagsubok at mararanasan natin ang Godly restoration.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.