
Juan 13:3-5
3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos.
4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang.
5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
Ano ang gagawin mo kung nagkaroon ka ng superhero powers?
Madalas akong nag-iimagine kung ano ang gagawin ko kung may superhero powers ako.
Kung nasa akin ang powers ni Spiderman, sasali ako sa NBA o NFL. Kung nasa akin ang powers ni Wolverine, sasali ako sa UFC o boxing. Siguradong nasa Hall of Fame ako.
Sabi sa Spiderman, “with great power comes great responsibility.” Pareho ito sa sinasabi sa Bible. Tayo ay may kapangyarihan at responsibilidad natin na gamitin ito para sa kaluwalhatian ng Diyos.
May Kapangyarihan Tayo
Mga Gawa 1:8
8 Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”
Sabi sa Bible, ang kapangyarihan natin ay nagmumula sa Banal na Espiritu. Kung nananampalataya tayo na si Jesus ay Diyos at iniligtas Niya tayo mula sa impiyerno, mananahan sa ating puso ang Banal na Espiritu. Ibig sabihin, may kapangyarihan tayo!
Ano ang Kapangyarihan Natin?
Filipos 4:13
13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
Hindi tayo singbilis at singlakas ni Spiderman. Hindi rin mabilis gumaling ang ating mga sugat gaya ni Wolverine. Pero sabi sa Bible, lahat ng bagay ay kaya nating gawin dahil sa lakas na bigay ni Jesus.
Ano ang pangarap mo? Siguradong kaya mo itong tuparin dahil sa kalakasan na bigay ni Jesus.
Kailangan Nating Maglingkod
1 Pedro 4:10
10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo.
Humanap tayo ng paraan para maikalat ang pagmamahal ni Jesus. Kapag tumutulong tayo sa ating kapwa o naglilingkod sa church, nakikita ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan natin.
Ano ba ang talento mo? Magaling ka bang kumanta, sumayaw, umarte, o magsulat?
Gamitin mo ang talento mo para ipakilala si Jesus sa lahat! Gumawa ka ng video at i-upload mo sa social media!
Pwede mo ring ipadala mo sa akin ang content mo at ilagay natin sa High3r.com. Wala nga lang bayad dahil wala naman akong sweldo dito sa website.
In Summary
With great power comes great responsibility.
Binigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan na gawin ang lahat ng bagay.
Gamitin natin ang ating kapangyarihan para maglingkod at ipakita sa lahat ang pag-ibig ng Diyos.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.