
Juan 11:28-31
28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”
29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha.
31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
Nag-organise ang church namin ng isang leadership camp. Tatlong araw ng Biblical leadership development activities, Gospel music at games.
Hinati namin sa apat na tribo ang mga participants. May points na ibinibigay sa mga tribong nananalo sa games. Ang tribo na may pinakamaraming points ay bibigyan ng trophy. Dahil dito, naging super competitive ang mga tribo.
Ang huling leadership activity/game ay isang scavenger hunt at binigyan namin ang mga participants ng listahan ng mga pinakamahirap mahanap na items.
Dahil sa paligsahan, mabilis na kumilos ang mga participants. Paglipas ng halos limang minuto, isang tribo ang nagsabi na nakumpleto na nila ang mga items sa scavenger hunt. Ikinagulat naman ito ng ibang tribo.
Doon namin ipinaalam sa lahat ang huling item listahan, balewalain ang mga naunang items at ang tanging kailangan ay ang listahan na ibinigay namin sa kanila.
Nagalit ang mga participants na natalo. Isinigaw nila ang kanilang mga reklamo. May mga nagsabi na walang kwenta ang game na ito.
Nagulat kaming mga organisers sa reaksyon ng mga campers. Sobrang sineryoso nila ang mga games at masyadong naging emosyonal. Nalito kaming mga organisers kung ano ang dapat gawin sa mga oras na iyon.
Mabuti na lang, isa sa mga campers ang tumayo sa gitna at pinahinahon ang lahat. May hawak na stick ang camper na ito.
Sabi niya “Kumuha kayo ng stick gaya nitong hawak ko at baliin niyo sa dalawa.”
Agad namang sumunod ang participants at pati na rin kaming mga organisers.
Muling nagsalita ang camper, “Pagkumparahin natin ang mga piraso ng stick. Siguradong may mas maikli at mahaba.”
Sumang ayon naman kaming lahat sa kanya.
“Para sa akin, ang mahabang piraso ng stick ay ang masayang nangyari sa camp na ito. Ang maikling piraso ng stick naman ay ang hindi magandang nangyari sa camp na ito.
Tanong ko sa inyo, pareho ba nating dadalhin ang mga stick na ito, o itatapon natin ang maikling stick?” Ito ang tinanong ng magiting na camper sa lahat, sabay tapon sa maikling stick.
Sumunod naman kaming lahat sa kanya. Itinapon din namin ang aming malilit na stick.
Nagsigawan ang lahat sa labis na tuwa. Nagyakapan, nag-iyakan, at nagtawanan ang mga campers. Naging maayos ang lahat, salamat sa magiting na camper na naglakas loob na ayusin ang magulong sitwasyon.
Pamumuno
1 Corinto 11:1
11 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
May kakayanan tayong mamuno. Napakagandang halimbawa nito ang kwento ng magiting na camper na binasa natin. Marami ang susunod sa ating mga yapak kung malakas ang kumpiyansa natin sa ating mga sarili.
Pero sabi ni Paul sa 1 Corinto 11:1, kung nanaisin natin na tularan tayo ng mga tao, dapat maging halimbawa tayo ng pagsunod kay Jesus Christ. Dapat makita ng lahat na buo ang pananampalataya natin kay Kristo, masaya tayong sumusunod sa Kanyang mga utos, at ipinapakita natin ang pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa.
Gaya ni Maria sa Juan 11:28-31, marami ang gagaya sa atin kapag buong sigasig tayong susunod kay Jesus.
Kaya naman ito ang taong ko sa iyo, “ano ang gagawin mo para mas marami pang tao ang sumunod kay Jesus?”
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.