top of page

Ano ang Dapat Nating Ipagdasal?



Juan 11:40-42


40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”


Naalala ko nung HS pa ako. Madalas kong ipinagdarasal na sagutin ako ng dalagang nililigawan ko.


Sabay nangangako ako ng mga bagay na babaguhin ko sa buhay ko, “Lord, kapag sinagot ako ni XXXX hindi na ako makikipag suntukan.”


O kaya, nangangako ako ng mga bagay na gagawin ko, “Lord, lagi na akong magpe-pray at magbabasa ng Bible.”


Ikaw ba? Paano ka magdasal?


Itinuturing mo rin ba ang Diyos na parang isang genie na tumutupad ng mga kahilingan?


Kaluwalhatian ng Diyos


Kapag nagdadasal tayo, iniisip natin na susundin ng Diyos ang gusto nating mangyari.


Pero malinaw na sinasabi sa John 11:40 na makikita natin ang glory ng Diyos kapag tayo ay nananampalataya sa Kanya.


Ibig sabihin, mangyayari ang mga bagay kung naaayon ito sa plano ng Diyos, hindi plano natin.


Ano ang Dapat Gawin?


Mga Awit 143:10


10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan na aking masunod ang iyong kalooban;ang Espiritu mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.


Dapat iayon natin sa plano ng Diyos ang mga plano natin. Kung lalabanan natin ang plano ng Diyos, magiging mahirap ang ating hinaharap.


Kapag nagdarasal tayo, imbis na pasunurin natin ang Diyos sa gusto natin, hilingin natin na malaman natin ang plano ng Diyos para sa atin. Kapag naunawaan natin ang nais ng Diyos para sa ating buhay, maging magpakumbaba tayo at sumunod tayo sa ating Panginoon.


Paano ang Gusto Ko?


Mga Kawikaan 14:12


12 May daang matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito.


Alam kong mahirap isuko ang mga gusto natin. Pero kailangan din nating mag mature. Sabi ng isang sikat na preacher, “Ang maturity ay ang hindi paggawa sa mga bagay na gusto mo para makuha ang tagumpay.”


Hindi lahat ng gusto natin ay mabuti para sa atin. Magtiwala tayo sa Diyos na parang isang paslit na nakaasa sa kanyang magulang. Mas alam Niya kung ano ang nararapat para sa atin. May plano ang Diyos sa ating buhay at higit pa ito sa ating mga pangarap.


Jeremias 29:11


11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.


In Summary


Hindi genie ang Diyos. Siya ang ating tagapaglikha at hindi natin siya utusan.


Ipagdasal natin na mabigyan ng karunungan na maintindihan ang plano Niya para sa atin.


Sundin natin kung ano man ang nais ng Diyos sa ating buhay.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page