top of page

Ano ang Dapat Ialay sa Diyos?



1 Corinto 12:4-6


4 May iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. 6 May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat.


Nahihirapan ka bang mag-isip ng regalo para sa isang kaibigan na umantig ng iyong puso? May mga kaibigan tayo na nagpapasaya at nagbibigay ng kabuluhan sa ating buhay kaya naman gusto nating ipakita sa kanila na mahalaga sila sa atin. Pero minsan, parang hindi sapat ang pasasalamat o kaya ang mga regalo na nabibili sa tindahan.


Ganito rin ang ating Panginoon. Walang sinuman ang kayang magmahal sa atin ng lubos gaya ni Jesus. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para mailigtas tayo mula sa impyerno. Iniligtas tayo ni Jesus at ang mga mahal natin sa buhay. Walang paraan para mapantayan natin ang sakripisyo at pag-ibig ng Diyos para sa atin. Kaya naman mapapaisip ka kung ano ang dapat nating ialay sa Diyos?


Buhay ng Papuri at Pasasalamat


Mga Awit 63:3-4


Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.


Maganda ang naging halimbawa ni Haring David para sa atin. Mag-alay tayo ng papuri para sa Diyos. Sabi Niya sa kanyang Psalm, dahil mahal ako ng Diyos, pupurihin ko Siya habang ako ay nabubuhay. Sa lahat ng bagay, magbibigay ako ng pasasalamat sa Panginoon.


Kapag nakatanggap tayo ng blessings mula sa Diyos, huwag nating kalimutan na purihin at pasalamatan ang Panginoon.


Kapag dumaranas tayo ng pagsubok, piliin natin na magpasalamat at magpuri sa Diyos. Isipin natin na ang mga pagsubok na ito ay magpapalakas at magpapabuti sa atin bilang tao.


1 Pedro 4:10-11


10 Bilang mabubuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang mga kakayahang inyong tinanggap sa paglilingkod sa isa't isa.


11 Kung nagsasalita ang sinuman, magsalita siya bilang nagpapahayag ng mga salita ng Diyos. Kung siya'y naglilingkod, maglingkod siya sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa kanya ng Diyos.


Sa gayon, sa lahat ng bagay ay papupurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanpaman. Amen.


Nilikha tayo ng Panginoon na may angking galing. Dapat natin itong ialay sa Panginoon. Kadalasan, iniisip natin na pag-awit, pag-sayaw at paglilingkod lang sa church ang mga talentong maaring ialay sa Diyos. Sabi ni Peter sa verses sa itaas, gamitin natin ang mga talentong ibinigay sa atin ng Panginoon para purihin ang Diyos.


Halimbawa, magaling kang mag-basketball, ipagpatuloy mo ang paglalaro at lalo mo pang paghusayan. Ipaalam mo sa lahat na ang talento mo sa basketball ay galing sa Diyos.


Marunong kang mag-pinta o mag-drawing? Ipakita mo sa lahat ang iyong mga obra. Isigaw mo sa buong mundo na ang talento mo ay galing kay Hesus.


Mahalaga ang Talento


Mateo 25:29


29 Sapagkat ang sinumang mayroon ay bibigyan pa at siya'y mananagana, subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin pa.


Tandaan natin na may gantimpala mula sa Diyos kapag ginamit natin ang ating talento para sa kanyang pangalan. Habang ginagamit natin ang ating angking galing, lalo pa tayong lalago. Pag hindi natin ito ginamit, mawawala ito sa atin.


Parang laro lang ng basketball, nawawala ang porma kapag matagal ng hindi nakapag-laro. Pero kapag patuloy ang paglalaro ng basketball dumadali ang pag-shoot, pag-pasa, pag-rebound at pagbasa ng galaw ng mga kasama.


In Summary


Dapat tayong mabuhay na nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos dahil ang pag-ibig Niya sa atin ay wagas.


Ialay natin ang ating mga talento sa Panginoon. Ipaalam natin sa lahat na mula sa Diyos ang ating angking galing.


Patuloy nating gamitin ang ating mga talento at lalo pa tayong huhusay dito. Kung hindi, mawawala ito sa atin.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page