
Trending ngayon si Angel Locsin dahil sa nag viral na mga pictures niya sa social media.
Makikita sa mga viral pictures na tumaba si Angel at ibang-iba na ang pangangatawan niya sa nakasanayan ng mga tao.
Dahil dito, nagkagulo na naman ang mga netizens. Marami ang nag-bash kay Angel dahil raw pinabayaan nito ang kanyang sarili, at marami rin naming nagtatanggol kay Angel at nagsasabing hindi mahalaga ang pisikal na anyo bagkus mas importante ang puso.
Ang mga pangyayaring ito sa social media ang nagpapatunay na hindi natin talaga kayang mapasaya ang lahat ng tao. Kaya naman hinihikayat ko ang lahat na mag-devotions—magdasal at magbasa ng Bible. Ang devotions natin ang nagsisilbing pahinga natin mula sa mga nakaka-stress na pangyayari sa social media at tunay na buhay.
Ang ating Bible verse sa linggong ito:
Roma 2:25
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Totoong mahalaga ang pagiging tuli kung tinutupad mo ang Kautusan. Ngunit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tuli.
Ang sinasabing tuli rito sa verse na ito ay ang mga Hudyo sa kadahilanang ang pagpapatuli ay simbolo ng pagsunod sa Diyos ayon sa mga Hudyo.
Makikita natin sa verse na ito na kung ang isang Hudyo ay hindi susunod sa mga kauutusan ng Diyos, walang saysay ang kanyang pagpapatuli.
Ito pa ang ilan sa mga natutunan ko sa mga verse na ito:
· May halaga ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
· Lahat ng tao ay makasalanan
· Kailangan natin si Jesus
Talakayin natin ang mga puntong ito.
May Halaga ang Pagsunod sa mga Utos ng Diyos.
Roma 2:13-15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig kundi ang tumutupad sa Kautusan ang ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos.
Marahil ay nagtataka kayo kung bakit kailangan ko pang ipagdiinan na mahalaga ang pagsunod sa Diyos. Bibigyan ko kayo ng background para mas maintindihan ninyo.
Sabi sa Bible, ang pananampalataya lang kay Jesus ang makakapagligtas sa atin mula sa impiyerno. Hindi natin kailangan gumawa pa ng mabuti para lang maligtas. Sinasabi rin sa Bible na ang pagmamahal sa atin ng Panginoon ay perpekto. Kahit ano pang kabutihan ang ating gawin, hindi na magbabago ang pagmamahal ng Diyos para sa atin.
Dahil dito, maraming Kristiyano ang bumabawal o nagmamaliit sa mga taong pumipili pa rin na sumunod sa kautusan ng Diyos ng lubusan.
Hindi tama na pinigilan natin ang mga tao sa pagsunod sa mga doktrina sa Bible, at mali rin na ikondena natin ang mga taong naniniwala na sapat na ang grasya ng Diyos.
Nakakalito man, pero kailangan nating magtulungan para mahanap natin ang balance ng pananampalataya at kawang-gawa.
Mahalaga pa rin na sundin natin ang mga utos ng Diyos.
Lahat ng Tao ay Makasalanan
Roma 3:23
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.
Sinasabi sa verse na ito na lahat ng tao ay makasalanan. Wala tayong pina gkaiba kung moralidad at kabutihan lang ang pag-uusapan.
Kaya naman mabuti na isipin natin na wala tayong karapatan na manghusga ng kapwa natin. Ang Diyos lamang ang puwedeng gumawa nito.
Kung si Jesus na namuhay na perpekto ay nagdesisyon na huwag manghusga, tayo pa kayang namumuhay sa kasalanan?
Mas mabuti na piliin nating maging inspirasyon ng mga tao sa paligid natin para sa kabutihan kaysa maging kadahilanan ng kalungkutan ng karamihan.
Kailangan Natin si Jesus
Juan 3:16
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Tulad ng sinulat ko sa itaas, kailangan ng tao si Jesus.
Walang magagawa ang kawang-gawa para makarating tayo sa langit. Kailangan nating manampalataya kay Jesus.
Ibig sabihin nito, dapat tayong maniwala na ibinigay ni Jesus ang kanyang buhay para mabayaran ang penalty ng ating kasalanan.
Dapat din nating paniwalaan na si Jesus ay nabuhay muli at naghahari na ngayon sa langit.
Kailangan rin nating piliin na sumunod sa yapak niya, at mamuhay ng tulad niya.
Ito ay isang mahirap at mahabang pagbabago na kailangan natin gawin habang tayo ay nabubuhay.
In Summary
Huwag maliitin ang pagsunod sa kautusan ng Bible. May halaga ito at nakikita ng Diyos ang lahat ng serbisyo natin sa kanya. Bibigyan tayo ng Diyos ng blessings sa tamang panahon bilang reward sa ating pagsisikap.
Lahat ng tao ay makasalanan kung kaya’t walang sinuman ang puwedeng manghusga o magmagaling.
Kailangan natin si Jesus dahil siya lang ang daan patungo sa langit. Siya ang nagbayad ng dugo para sa ating kasalanan, namatay, nabuhay muli at naghahari sa kalangitan.
Manampalataya tayo kay Kristo.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating verse, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!