
Mga Gawa 5:38-39
38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho.
39 Ngunit kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”
Sino dito ang nasawi sa pag-ibig? Malamang lahat tayo ay nakaranas ng pagkasawi sa pag-ibig.
Malamang gaya ko, nawalan din kayo ng pag-asa. Sinabi ko sa sarili ko “date, date na lang ako” o kaya “ayaw ng Diyos na makatagpo ako ng mamahalin sa buhay.”
Pero nagkamali pala ako. Nais ng Diyos na magkaroon ako ng asawa na makakasama ko sa aking pagtanda dahil alam Niya na ito ang magpapasaya sa akin.
Sa ayaw at sa gusto natin, walang makakapigil sa itinakda ng Diyos.
Ang Plano ng Diyos
Jeremias 29:11
11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Mabuti ang plano ng Diyos para sa ating buhay. Hindi ito nagbabago.
Madalas mahirap paniwalaan na magkakaroon tayo ng masaya at masaganang kinabukasan dahil sa hirap ng ating nararanasan sa kasalukuyan. Pilitin nating tandaan ang mga pangako ng Diyos. May katapusan ang lahat ng ating paghihirap.
Habang naghihintay tayo sa magandang bukas, patuloy tayong lumapit sa Diyos. Magbigay ng oras sa panalangin, pagbabasa ng Bible, at pagsamba.
Tandaan na hindi tayo lumalapit sa Diyos para pagpalain Niya tayo. Lumalapit tayo sa Diyos para maintindihan natin ang plano Niya para sa atin. Kapag hindi tayo nagbibigay ng panahon sa Diyos, nakakalimutan natin ang mga plano natin at nagpaparaya na lang tayo sa mga gusto natin na panandalian lamang. Napapatagal tuloy ang katuparan ng pangako ng Diyos sa ating buhay.
In Summary
Walang makakapigil sa plano ng Diyos sa ating buhay.
Mabuti at maganda ang plano ng Diyos.
Lagi tayong lumapit sa Diyos para magkaroon tayo ng kalakasan na gawin ang plano ng ating Panginoon.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.