
Mga Awit 78:1-4
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
Lumipas na naman ang Pasko at Bagong Taon. Talaga namang napakasaya ng mga araw na ito kapag nakakapagdiwang na kasama ang pamilya.
Masaya ang naging selebrasyon ng aking pamilya ngayong Pasko. Nagsama-sama ang mga kaibigan at pamilya. Marami at napakasarap ng handa. Napakaraming regalo para sa lahat. Syempre, walang makakapantay sa kwentuhan at tawanan kasama ng mga mahal sa buhay.
Pinanood ko ang aking pamilya at mga kaibigan habang nagkakasayahan. Wala akong nagawa kundi lubos na magpasalamat sa kabutihan ng Diyos sa aming lahat. Napatingin ako ang mga bata habang nagbibigayan at nagbubukasan ng mga regalo at naitanong ko sa aking sarili, “alam kaya nila ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Pasko?”
Naalala ko ang Mga Awit 78:1-7. Sabi dito responsibilidad ng mga magulang na ikuwento sa kanilang mga anak ang kabutihan ng Diyos. Dapat nating ipaalam sa susunod na henerasyon ang istorya ng pagmamahal kung saan ibinigay ng Kataas-taasang Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang iligtas ang sangkatauhan.
Ang Kuwento
Juan 3:16
16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Alam natin ang kuwento. Mapupunta ang buong sangkatauhan sa impiyerno dahil nagkasala ang lahat. Dahil sa pagmamahal ng Diyos, ibinigay Niya si Jesus na kabayaran sa ating mga kasalanan. Dahil sa sakripisyo ni Jesus, maari na tayong mabuhay ng masagana dito sa lupa at pati na rin sa langit. Kung hindi inalay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus ng kalbaryo, mapupunta tayong lahat sa impiyerno. Wala sanang dahilan para magdiwang.
Hindi Sapat na Alam Natin ang Kuwento
Ngayong 2022, dapat nating ipaalam sa lahat ang kwento kung paano tayo iniligtas ni Jesus mula sa impyerno. Hindi sapat na alam natin ang ebanghelyo ng Diyos, bagkus dapat nating ikalat ang ebanghelyo sa ating pamilya, kaibigan at sa buong mundo, lalo na sa mga susunod na henerasyon.
Turuan natin ang mga kabataan na magdasal at magbasa ng Bible. Ipakita natin sa kanila na dapat tayong magdasal at magbasa ng Bible paggising sa umaga at bago matulog. Ituro natin na dapat tayong magsimba. Kung hindi pa pwedeng pumunta sa simbahan dahil Covid restrictions, humanap tayo ng online church services.
Responsibilidad ng unang henerasyon na ipaalam sa mga susunod na henerasyon ang tungkol sa kabutihan at pagmamahal ng Diyos.
Mga Awit 78:5-7
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.